Friday, January 02, 2009

Walang Pakundangan

Ni Mila D. Aguilar

A-dos na ng Enero
Nagpapaputok pa rin
Nang walang pakundangan
Mga bata sa lansangan.

Tulad ng kanilang
Matatanda sa Malacanang
Na isa-isang kinakarne
Lahat ng lumalaban.

Lumalabas na ang pulbura
Sa maliliit na butas
Sa gilid ng aking mga mata
Wala pa ring pakiramdam

Bata man o matanda
Sa kanilang kapwa.
Nakasusulasok ang amoy
Pambara sa hininga

Isip mo'y talagang balak nila
Ang makapatay
Ng kapitbahay.
Kung di nga lang ba, oo na,

Inosente itong sa isang banda
At sa kabila ay gahaman
Sa kaban ng bayan. Pero iho,
Sunud-sunuran lang ang kawalan

Sa gawi ng imbing kaharian.



a-2 by Enero, 2008
7-9 n.g.