ORLY B
(isang maikling kwento)
ni Mila D. Aguilar
Pasensiya na, Orly. Dangan kasi ipinamalita mo sa madlangbayan na crush mo ako mula Grade 1.
E ang ayaw ko pa naman sa lahat yung matingnan nang may malisya. Yung mga tukso ni Freddie, na wari bagay naghihintay na matulad ako sa mga makasalanan sa mundo.
Hindi sa nagmamalinis ako, Orly. Alam ng Diyos ang dungis ko. Kaya lang, sa lahat ng utos ng Diyos, dalawa ang pinakaiiwasan ko. Una, yung pumatay ng tao. Pangalawa, yung mangulimbat ng pag-aari ng nag-aari, ng asawa ng may asawa.
Lahat na siguro ng utos ng Diyos, nilabag ko na, Orly, huwag lang yon. Siguro, ayaw ko lang makasakit ng kapwa. Alam mo yon?
Pero hindi ibig sabihin na hindi ako nagkasala kailanman, Orly. Ang dami ko pa ring kasalanan sa Diyos at sa kapwa, malamang marami na akong nasaktan nang wala sa isip ko, at siguro isa ka na ron.
O sige, magkatapatan tayo. Isa lang ang utos ng Diyos sa mga dahilan kung bakit hindi bumukas ang loob ko sa iyo.
Dangan kasi…. Dangan kasi….
Paano ko ba sasabihin. Kasi, alam mo, unang una na maliit ka, di ba? Grade 1 pa lang tayo maliit ka na. Hindi naman sa nagmamalaki akong matangkad ako, pero mula’t mula pa mas matangkad naman ako sa iyo, di ba?
E kung sabagay hindi naman yon ang dahilan kung bakit hindi ako puede maging malapit sa iyo, ano. Kung hindi mo nga lang pinagdikdikan na crush mo ako.
Kaya lang, Orly, at dito sasabihin ko na talaga ha. Yung ano, nitong huling dalawang dekada kasi na ibinunyag mo yon, ewan ko ba, naging gusgusin ka. Tumaba ka sa baywang, para ka nang binaliktad na turumpo. Nawalan ka pa ng mga ngipin. Ang amoy mo, amoy pawis ng kalye. Para kang palaboy.
Sa totoo lang, nainsulto ako sa mga tukso ni Freddie kasi parang gustong ipagdikdikan na puede akong magka-affair hindi lang sa taong may asawa, kundi sa taong palaboy na, bungi pa.
Hayan, nasabi ko na, kaya puede mo na akong kundenahin sa puntong ito.
Kaya lang, kailangan ko nang sabihin, Orly, dahil ang laki talaga ng pagsisisi ko na hindi kita napakitaan man lang ng kaunting pagmamahal.
Dahil sa totoo lang, Orly, minahal naman talaga kita bilang kapatid, at gusto ko sana talagang magpakita sa iyo ng pagkalinga kahit kaunti man lang.
Kaya lang, hayun. Sa tuwing tatawag ka, ang unang maririnig mo sa akin ay “OW, ANO?” sabay singhal, na para bagang lalaki ang kausap mo sa kabilang linya. E kasi baka bigla mo akong ligawan, yun ang ikinatatakot ko sa lahat. Ang sama ko pa namang mambasted.
Makailang beses kitang tinanong kung kumusta na ang asawa mo, di ba? Ilang beses ka namang nagpahiwatig na kundi man kayo hiwalay, hindi ganon kakinis ang pagsasamahan ninyo. Kaya nga nailang ako sa iyo e, kasi hindi ko mawari kung ano ba talaga ang totoo at ano ba talaga ang buhay mo’t tumanda kang palaboy. Kuwento pa nina Cris, Alex at Ipe, kung saan-saan ka nakakarating nitong mga huling taon, mula Naga hanggang Nueva Ecija, at natutulog pa sa kung anu-anong bodega.
Saka lang bumukas ang isip ko nang papunta na kami ni Becky ryan. Ang sabi niya na halos magngilid ang luha, elementary ka pa lang daw ay doon ka na naninirahan sa boarding house ng pinsan mong si Teddy, at naging para kang utusan ng mga boarder roon, pariya’t parito sa kung ano man ang ipagawa nila.
Ganun ba kayo kadukha? Isip-isip ko. Kumirot ang puso ko roon. Kawawa ka naman.
Pero ang una ko pang naisip, hindi yung pagkapobre mo, kundi yung pagkahiwalay mo sa magulang nang maaga pa.
Alam mo kasi Orly, naranasan kong mahiwalay sa magulang e. Pero 16 na ako noon, at nangyari lang yon dahil takot na takot ang nanay kong matanda na mamatay silang mag-asawa habang bata pa ako. Kaya ipinagdorm nila ako ng isang taon, kahit na ang bahay namin ay isang kilometro lang ang layo mula sa unibersidad.
Kahit na naintindihan ko pa ang pakay ng mga magulang ko, naguluhan ako sa areglong yon, Orly. Ang baba ng mga grado ko nung taong yon. At nagkaroon na agad ako ng boypren nung sumunod.
Napagtanto ko na mahirap talagang mawalay ang bata sa magulang, kahit pa man may magandang dahilan ito. Nagkakaroon ng epekto sa bata kahit papano. Hindi magandang epekto.
Kaya yun na nga, dun lang kita nasimulang maintindihan.
Mantakin mo, 65 na ako at ikaw nama’y — 66 ba o 67? Basta hindi magkalayo ang ating edad.
Yun ang buong nasa isip ko habang nagda-drayb papuntang Araneta, kahit na lulan na namin si Elmer at Diana.
Tapos, nung nasa Araneta na, may isa pang tumambad sa isip ko. Nasaan ang Arlington? Tanong ko kay Elmer.
Hindi kasi ako sigurado kung yung Arlington ay yung nasa isip ko, o yun ba yung Paz.
Pero nalampasan namin ang Paz, na nasa kanan banda at pagkatapos na pagkatapos ng — ano ba yung mosoleong iyon? Hindi ko na matandaan.
Ang tanong ko sa tatlong kaklaseng kasama sa sasakyan, yun ba yung may magagandang mga parang bahay, yung Arlington?
Hindi ko kasi maimagine na nasa Arlington ka, Orly, sa totoo lang, sa mga magagandang gusaling parang bahay.
Kasi ang alam ko, mga mayayaman lang ang nandoon.
Pero yun na nga ang malaking pangalan na tumambad sa amin — Arlington. At grasya ng Diyos, nakapagparking ako sa labas, kahit punong-puno na ng mga kotse ang lugar!
Ang akala ko, nasa mga bahay ka nga. Kasi yun pa lang ang napupuntahan ko roon. Pero nagtanong si Elmer sa reception, at ang sabi ay doon ka sa building, sa second floor. Ah, isip-isip ko, mas akma.
Pero malaki pala ang kwarto mo sa second floor, at may hiwalay na kumedor pa, na malaki rin at may sariling CR. Ang mga upuan, parang yung sa simbahan, pero may mga komportableng kutson na nakadikit. Siguro kasya ang 50 katao roon. Malaki, kung tutuusin.
Unang bumati sa amin ang anak mong lalaki, na pangalawa ko nang beses nakita, ang una ay sa isang class mini-reunion yata, at ang huli ay bilang alalay mo sa ating Golden Anniversary Dinner-Dance apat na araw pa lang ang nakakaraan. Hindi ko naalala na may nasabi ka pala sa akin noon na nag-adopt ka ng babae, na nakilala ko rin at last noon.
Pero ang pinakamalaking revelation sa akin ay ang iyong asawa, na normal naman pala.
Ang unang tanong ko sa kanya, bakit hindi ka napakilala ni Orly sa amin noon pa?
Ang sagot niya, “Ako hindi niyo kilala, pero ako kilala ko kayong lahat sa pangalan. Panay ang kwento ni Orly tungkol sa inyo, isa-isa niya kayong kinukwento. E ako naman, sabi ko sa kanya, e hindi ko naman kilala ang mga yon, panay ang kwento mo. Ang sagot nya sa akin, balang araw makikilala mo rin sila.”
At eto na nga, Orly, nagkakila-kilala rin kami. Hay naku, joker ka talaga.
Tapos nagdatingan na ang mga kaklase. Marami ang nagmamahal sa iyo, Orly. Hindi nagkasya sa lugar, kaya nagdala pa ng extrang mga plastic na upuan at ihinilera sa labas.
Nagdatingan din ang mga kapatid mo at iba pang kamag-anak. Puro pala lalaki ang mga kapatid mo? At ikaw ang panganay? Ngayon lang namin nalaman yon.
Nung tiningnan ka namin ng mga kaklase, buong-buong ang mukha mo, panatag na panatag, puno ang mga pisngi, medyo nakangiti pa, di tulad ng pagpunta mo sa simbahan noong ating thanksgiving mass nung Martes na hirap na hirap. At yung suot mo yung dilaw na kamisadentro nung ating Dinner-Dance sumunod na araw, may kurbata pa. Alam kong masaya ka noon, pero hindi ko maialis sa isip kong pasa-pasa na ang mga daliri’t kamay mo sa dialysis. Disenteng-disente na ang itsura mo, Orly, parang hindi naghirap.
At nung inilabas ng anak mo yung naka-kuadrong picture mo para ilagay sa easel, namangha ako. Ang guapo mo roon, maganda ang ayos ng puting buhok. Parang tao, Orly!
Yung mga kapatid mo rin at mga asawa nila, sabay na ang iba mo pang mga kamag-anak, mukhang may mga sinabi naman.
Natanong ko tuloy ang anak mo kung saan ba talaga kayo nakatira, sa Las Piñas ba o sa Project 3, dahil ang nakalista sa directory natin ay yung una, pero ang binigay sa akin ng iyong adopted nung hinanap ko ang mapagpapadalhan ng donasyon mula sa kaklase natin abroad ay yung huli.
At ang sagot niya ay may bahay kayo sa Las Piñas, at nag-board sa Project 3 ang adopted niyo para malapit sa eskwela at trabaho, tapos sinamahan ng iyong asawa para mabantayan.
Tapos ikaw raw ang nagpatayo ng bahay sa Las Piñas, Orly! Mantakin mo yan. Hindi ka naman pala palaboy.
Ang pagkaalam ko customs broker ka dati pero nitong mga huling taon kung anu-ano na ang kinukwento mo sa akin na ginagawa mo, tulad ng pag-aareglo ng mga shows kung saan-saan, kaya hindi ko alam kung ano ang paniniwalaan. Ay ewan. Siguro nga. Ang sabi ng anak mo tumutulong ka raw sa pag-aayos ng mga papeles ng iba’t ibang mga tao sa customs nitong huli. Hayan mapapaniwalaan ko. Pero siguro nga in-between nakakahagilap ka rin ng ibang matatrabaho. Pareho lang siguro tayo.
Yung dalawa mo namang anak mukhang nagtatrabaho na sa call center. At ang asawa mo pala, Orly, ay empleyado sa gubyerno! Napakaistable ng pamilya mo, Orly.
May apo ka pang maliit sa anak mong lalake na napaka-cute, takbo nang takbo sa malaking kwarto tulad mo nung maliliit pa tayo! Yun daw ang paborito mo, sabi ng iyong asawa.
Mabuti na lang nakapaghanda ng mala-misang programa si Sr. Aida, kaya nagkaroon tuloy ng mga sharing tungkol sa iyo.
Nung una, nagkakahiyaan pa ang mga kaklase, pero kalaunan lumabas din ang mga katatawanan sa buhay mo.
Naikwento ko kasi yung gustong sharing ni Vic para sa iyo. Sinulat niya ito sa Facebook mula Melbourne pa, kaya obligado akong banggitin. Sabi niya, magkasama raw kayo sa camping ng Cub Scouts minsan. May dala kang isang lata ng Libby’s Corned Beef, at siya naman ay may dalawang lata ng Ligo Sardines. Ikaw daw ang nagmungkahing mag-swap kayo — 2 sardinas niya sa isang corned beef mo. Sumang-ayon siya. Pero nung nakain niyo na raw at lahat ang swap niyo, sabi ka nang sabi sa kanya na naisahan ka niya, at lugi ka! Mukhang nag-enjoy ka sa ganong pagkalugi.
Tapos minsan daw sa parehong camping, kiniliti mo yung puwet ng isang kabayo kaya sinipa ka! Naku, Orly, sana hindi yon ang nakaapekto ng kalusugan mo nitong mga huling taon.
Ang kwento naman ni Rene, ang unang pagkakilala niya sa iyo ay nuong kumuha kayo ng test — hindi malinaw, pero wari ko para sa hayskul yon. Magkatabi raw kayo. Pareho raw kayong maliit noon, pero ikaw mas malaki pa ng kaunti kaysa sa kanya. Ang unang tingin niya sa iyo, parang bully at medyo mayabang yata, kasi panay ang bati mo sa lahat ng dumaan. Yung naman pala, sa kalaunan ay nakilala ka rin niya bilang isang mabait at matulungin na kaibigan.
Si Rory naman tumindig para magsabing pinaiyak mo raw siya nuong Grade 3, kasi hinila mo yung buhok niyang mahaba pa noon. Actually dalawa kayong lalaking nasa likod niya kaya hindi siya sigurado kung sino sa inyo, pero pinangungunahan ko na't naikwento mo na rin yata yon minsan at inamin na ikaw yon. Yung teacher daw na lalaki, si Mr. Castillo ba yon, ay hindi raw malaman ang gagawin kaya nagpunit na lang ng panyo sa pagitan ng kanyang matitibay na ngipin!
At heto pa, Orly, ngayon ko lang narinig ito! Si Alice pumunta sa harap para magkwento na nawawalan daw siya lagi noon ng baong bread na may palamang cheese at butter. Sarap, di ba? Misterio raw yon ng apat na dekada! Tapos nitong huling mga taon noong umuuwi na siya sa Pilipinas mula sa States, ikaw na mismo ang nagbunyag sa kanya na ikaw pala ang kumukuha. Hahaha!
Ay, Orly, pati ang mga lalaking kaklase na malalaki nagkwento rin at last. Ang gawain mo raw sampu ng iba pang maliliit, na mukhang ikaw rin ang pasimuno, pinag-aaway-away sila at ginagawan ng kung anu-anong practical joke. E ang seryoso pa naman ng mga yan!
Hindi ko mapigil humagikhik, kahit dapat solemno ang programa. Dangan kasi!
Pero yun yata ang nagpalapit ng loob mo sa amin, at amin sa iyo -- yung iyong walang hanggang kapilyuhan.
Lumapit nga ang hipag mo pagkatapos ng mga kwentuhan at sinabing hindi nila akalaing ganun ka, Orly! Dahil sa kanila raw ikaw ang panganay, at bilang panganay ay seryoso. Iba ka sa mga kaklase mo, Orly. Duda ko kami ang tunay mong pamilya.
Kaya abut-abot na lang ang iyak ng iyong anak nung ikwento niya ang paghahanda mo para sa 50th ng klase. Grabe. Alam naman naming 20 porsiyento na lang ng kidney mo ang gumagana, na nagsimula malamang sa matagal mo nang hindi inaalagaang diabetes at high blood. Kaya siguro nung tumanda ka ay nagmukha kang turumpong baliktad, malapad sa ibaba. Gayumpaman, mahal ka ng lahat, Orly.
Ayaw mong magpapigil. Humiling ka raw sa anak mong samahan ka sa Alabang, kung saan naroon ang suki mong barbero, pero hindi siya nakarating sa Quezon City, kung saan mukhang namalagi ka na nung nagsimula ang iyong dialysis. Pero nagpagupit ka pa rin sa Alabang. Mag-isa. Mula pa Quezon City. Kasi gusto mo talagang makarating sa reunion na disente ang itsura.
Sa UP Chapel, tawag ka nang tawag kay Linda W mula alas-10 ng umaga habang nasa daan pa kami galing Tagaytay. E alas-12 pa ang misa. Mabuti na lang nakarating kami ng 11:30.
Iyak ka nang iyak sa isang kaklase nung makita mo. Nung naalarma ang kausap mo't tinanong kung okay ka lang, ang sagot mo, iniiyak mo yung hindi mga nakarating.
Tinulungan ka pa ng babaeng kaklase sa pagsuot ng gold T-shirt natin para sa okasyon dahil hindi mo na kayang isuot.
Tapos, abut-abot ang pasasalamat mo sa mga kaklase nung hinatid ka nila sa Project 3, lulan ng coaster na nakatakda namang maghatid sa lahat.
At sa huling okasyon, yung Dinner-Dance nga nung Miyerkules, apat na araw pa lang ang nakararaan, sumayaw ka pa sa gilid sa tuwa, kain ka nang kain, at tawa ka nang tawa.
Ang sabi ng anak mo sa gitna ng mga hikbi, para bang hinintay mo lang ang okasyon na yon bago bumigay. Kasi pagkatapos noon, sumakit na raw ang ulo mo. Sa sakit, ipinupukpok mo pa raw sa pader. Ayaw mo nang kumain. Tapos, biglang tumigil na lang ang puso mo alas-3 ng umaga ng Linggo sa ospital na pinagdalhan sa iyo, 30 minutos pagkatapos magsiuwian ang iyong mag-anak dahil sabi ng doctor okay ka na.
Pero hindi ka okay, Orly. Alam ko yon, dahil ramdam kong paalis ka na nuong dumalo ka sa reunion. Nangingitim na ang mga bisig mo, Orly, marami ka nang pasa sa kamay.
Gusto ko ngang kausapin ka tungkol kay Hesus nung gabi ng ating Dinner-Dance, pero nakalimutan ko dahil sa saya. Sorry talaga, Orly. Sorry talaga, Jesus.
Siguro may agam-agam pa rin ako tungkol sa iyo noon. Kasi sabi nga ni Cris, nitong mga nagdaang taon, nabanggit mong bukas ka sa pag-aattend ng Bible study ko, pero sa isang dahilan lang — dahil crush mo ako. Haay, Orly. Sana nga lang natuto ako, sa pagtanda ko, na hindi matakot sa crush-crush na yan.
Sorry talaga, Orly.
Patawad!
Patawad.